Ikinukunsidera ngayon ng militar na magtayo ng naval operating base sa bayan ng Casiguran, Aurora na ilang milya lamang ang layo mula sa kontrobersyal na Benham Rise.
Gayunman, nilinaw ni Lt. Gen. Romeo Tanalgo, Commander ng AFP-Northern Luzon Command na hindi ang isyu sa Benham Rise ang pangunahing dahilan sa planong pagtatayo ng naval base.
Bago pa man anya pumutok ang balitang pinasok ng China ang Benham Rise, nasa plano na ng AFP ang pagtatayo ng base militar malapit sa naturang karagatan na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Pero dahil na rin sa isyung ito naniniwala si Tanalgo na mapabibilis ngayon ang konstruksyon ng nasabing military facility.
Sa ngayon ay wala ng na-momonitor ang AFP na Chinese Vessel na umaaligid sa Benham Rise at tuloy-tuloy ang pagpapatrulya doon ng military.
Kaugnay dito, tagumpay na nagtapos ang Balikatan Exercises sa Casiguran, Aurora.
Ayon kay Maj. Frank Sayson, tagapagsalita ng Balikatan 2017 para sa Pilipinas, kuntento ang mga opisyal ng Departments of National Defense at Foreign Affairs sa nasaksihan nilang humanitarian assistance and disaster response na siyang highlight ng aktibidad.
Napatunayan anya nila na kakayaning tumugon ng pwersa ng militar sa oras nang matinding sakuna.
Nasa 1500 Pilipino at Amerikano ang lumahok sa balikatan sa Aurora na nakatakdang magtapos sa mayo 18.
By: Drew Nacino / Jonathan Andal