Na-wow mali si Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraang maniwala ito na mayroong iregularidad sa pananatili ng isang Senior Citizen sa piitan ng MPDH, kahit pa ipinawalang-sala umano ito ng Manila Prosecutors Office sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 .
Nakasaad sa isinumiteng report ni Manila City Chief Prosecutor Edward togonon kay Aguirre na mayroong dalawang kasong isinampa sa Korte ang Manila Prosecutor laban sa namatay na bilanggong si Api Ang, 61 anyos.
Lumalabas sa resolusyon ng City Prosecution Office ng Manila noong January 30, 2017, si Ang ay inirekomendang masampahan ng kasong paglabag sa section 11 o possession of Dangerous Drugs ng Republic Act 9165 at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Katunayan nito, naihain na ang dalawang kaso laban kay Ang sa Manila Regional Trial Court nuong February 9, 2017 kaya lumalabas na may ligal na batayan ang pananatili niya sa bilangguan.
Una nang napaulat na namatay ang bilanggong si Ang na nakapiit sa MPDH sa kabila ng pagkakabasura ng isinampang kaso laban dito sa Manila Prosecutors Office.
Matatandaang iniutos ni Aguirre sa NBI na imbestigahan ang diumano’y iregularidad kaugnay sa pagkabilanggo ni Ang na inabot ng kamatayan sa kulungan matapos magsumbong ang pamilya ng biktima.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo