Nakatakda nang manungkulan bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año sa susunod na buwan.
Mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naghayag na ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na isagawa na ang turn over ceremony sa AFP sa June 2.
Ayon kay Lorenzana, hiniling pa nya sa Pangulo na palawigin pa ang serbisyo ni Año sa militar subalit hindi ito pinagbigyan.
Sa Oktubre pa sana ng taong ito nakatakdang magretiro si Año subalit napa-aga ito matapos italaga ng Pangulo sa DILG.
Samantala, base sa mga usap-usapan sa hanay ng militar, posibleng si Lt. General Leonardo Guerrero ng Eastern Mindanao Command na nakabase sa Davao ang ‘di umano’y napipisil na pumalit kay Año bilang hepe ng AFP.
By Len Aguirre