Nakataas pa rin ang alerto sa pwersa ng pulisya sa tatlong bayan sa lalawigan ng Laguna matapos ang serye ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng labing dalawang (12) iba pa na kinabibilangan ng dalawang sibilyan.
Ayon kay Senior Insp. Romeo Manga, nananatiling mataas ang tensyon sa magkakalapit na bayan ng Luisiana, Cavinti at Majayjay sa Laguna at gayundin sa Lucban, Quezon makaraang tambangan ng mga rebelde ang dalawang sasakyan ng militar.
Sinabi ni Manga na isang landmine ang pinasabog ng mga kasapi ng New People’s Army o NPA sa kahabaan ng Cavinti-Luisiana kung saan nasawi sa pitong (7) oras na sagupaan si Private First Class Gregorio Maico.
Nasugatan naman sina PO1 Bong Hemor, PO1 Romelio Lamiseria, PO1 Richard Lumaban, PO1 Philip Tayaba at PO2 Aldrin Leonida ng Quezon Provincial Police Public Safety Company.
Kasama rin sa mga sugatan sina Sgts. Marvin Bagaboro, Zaldy Lebantino, Teejay Antonio at Jeff Ray Gatlabayan ng Army’s 202nd Infantry Battalion at Domingo Garcillas na miyembro ng CAFGU o Citizen Armed Forces Geographical Unit.
By Jelbert Perdez