Nakararanas pa rin ng panggigipit at pananakot mula sa mga security guard ng La Panday Farm and Foods Corporation ang mga magsasakang pinagkalooban ng lupa sa Tagum City, Davao del Norte.
Ayon kay Antonio Tuyak, tagapagsalita ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Incorporated o MARBAI, gabi-gabi silang pinaliligiran ng mga armadong guwardya.
Binakuran ng mga MARBAI farmer ang isandaan apatnapung limang (145) ektaryang farm sa Barangay San Isidro matapos ang kanilang matagumpay na pagpasok sa naturang lugar sa tulong ng binuong task force ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Nanindigan naman ang may-ari ng La Panday na iligal ang pag-okupa ng mga magsasaka sa nasabing lupain dahil may kasunduan na umano sila sa Agrarian Reform Group na Hearbco-1.
Gayunman, itinanggi ng Hearbco ang pahayag ng pamunuan ng La Panday farms sa pagsasabing ginagamit lamang sila ng kumpanya upang idepensa ang pagpapakalat ng mga armadong grupo sa naturang lugar.
By Drew Nacino | With Report from Aya Yupangco