Hindi mangingimi si Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara sa buong bansa ang idineklarang Martial Law sa Mindanao sa sandaling umabot hanggang Luzon ang paghahasik ng karahasan ng Maute Group na sympathizers ng grupong ISIS o Islamic State of Iraq and Syria.
Ang batas militar ay inianunsiyo Martes ng gabi habang nasa Russia ang Pangulo dahil sa nagaganap na kaguluhan sa Marawi City kung saan pinasok at sinunog ng mga terorista ang ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng hospital, city jail at maging unibersidad.
Sinabi ng Presidente na hindi niya papayagang mamayani ang kaguluhan at karahasan kayat kinailangan niyang magdeklara ng Martial Law para matuldukan ang paghahari-harian ng mga local terror group sa Mindanao.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na nakakalat na ang ISIS sa ibat ibang lugar sa bansa at hindi niya hahayaang maisakripisyo ang mga inosenteng mamamayan .
Ayon sa Punong Ehekutibo, may mandato siya na protektahan at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino kayat aasahang magiging marahas ito sa mga kalaban ng gobyerno.
Umapela ang Pangulo sa sambayanan na huwag hayaang makapasok ang ISIS sa bansa dahil gagawin niya ang lahat para proteksiyonan ang sambayanan.
Tinitiyak ng Chief Executive na hindi niya papayagang umiiral ang pang-aabuso habang umiiral ang batas militar dahil gumagana pa ang gobyerno , pati na ang kongreso at mga korte.
Bukod sa Mindanao ay posibleng palawakin ng Pangulo hanggang Visayas region ang Martial Law at kapag kapag umabot ang karahasan sa Luzon ay hindi malayong isama na rin ang Luzon sa saklaw ng batas militar.
By Meann Tanbio / with report from Aileen Taliping (Patrol 23)
Martial Law sa buong bansa ibinabala ng Pangulo was last modified: May 25th, 2017 by DWIZ 882