Tuloy pa rin ang pasukan sa Hunyo 5 sa kabila ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, walang magiging pagbabago sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong elementarya at high school sa kabila ng pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.
Aniya, hindi naman ginamit na evacuation centers ang mga paaralan dahil sa provincial capitol at MSU o Mindanao State University pansamantalang nanunuluyan ang mga evacuees.
Ngunit posible pa rin aniya itong magbago depende sa magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at gabinete nito.
Samantala, kinumpirma ng pamunuan ng Dansalan College Foundation ang panununog ng ilang gusali ng paaralan ng sinasabing mga miyembro ng Maute.
Nag-aalala ang pamunuan na posibleng makaapekto ang naging pag-atake ng mga terorista sa pagbubukas at operasyon ng paaralan sa Hunyo.
Habang suspendido naman ang operasyon at anumang aktibidad sa loob ng MSU dahil sa insidente.
By Rianne Briones