Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang Central Luzon na naramdaman hanggang sa Metro Manila at ilang bahaging katimugang Luzon
Naitala ng PHIVOLCS ang sentro ng nasabing pagyanig 12 kilometro silangan ng bayan ng San Marcelino sa Zambales dakong alas 10:27 kagabi
Sa panayam ng DWIZ kay Tom Simborio, Science Research Analyst ng PHIVOLCS, Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig at may lalim itong 88 kilometro mula sa episentro nito
Naitala ng PHIVOLCS ang Intensity 4 sa Quezon City, Marikina at Pateros sa Metro Manila gayundin sa Malolos City sa Bulacan
Intensity 3 ang naramdaman sa Pasay, Makati Mandaluyong, Manila, Parañaque at Taguig gayundin sa San Miguel sa Tarlac, Marilao at San Jose Del Monte sa Bulacan maging sa Tagaytay City sa Cavite
Intensity 2 ang naramdaman sa Palayan City sa Nueva Ecija, San Jacinto sa Pangasinan gayundin sa Bacoor sa Cavite habang intensity 1 naman sa Sinait sa Ilocos Sur
Wala namang nasaktan o naitalang pinsala ang nasabing pagyanig at hindi rin nagpalabas ng Tsunami warning ang PHIVOLCS hinggil dito
Gayunman muling nakaramdam ng magnitude 2.3 na aftershock ang bayan ng San Marcelino mahigit dalawampung minuto mula nang maitala ang unang pagyanig.
By: Jaymark Dagala