Naniniwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sa oras na sang-ayunan na ng kongreso ang proklamasyon ng batas militar sa Mindanao, malabo na itong baligtarin o kontrahin pa ng Korte Suprema.
Sinabi ni Aguirre na bagamat sa ilalim ng Section 18, Article 7 ng 1987 Constitution, may kapangyarihan ang Korte Suprema na tukuyin kung may factual basis ang proklamasyon ng batas militar kung kaya’t ang tanging pagkakataon lamang para kontrahin ng hudikatura ang proklamasyon ay kung magpapasya ito na “arbitrary” o walang basehan ang ginawang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, ang mga pangyayari na pinagbasehan ng martial law ay malinaw naman aniyang idinetalye ng Pangulo sa kanyang isinumiteng liham sa dalawang kapulungan ng kongreso.
Naniniwala rin si Aguirre na kung kokontrahin ng kongreso ang idineklarang martial law ng Pangulo ay hindi rin ito maaaring baligtarin maski ng judiciary at kung ito naman ay sasang-ayunan ng lehislatura ay hindi rin pwedeng baligtarin maging ng Korte Suprema.
Iginiit pa ni Aguirre na sa kanyang opinyon, dapat magtipon sa isang joint session ang Kamara at Senado para pagtibayin ang batas militar, dahil kung hindi ito mangyayari ay maiiwan sa Korte Suprema ang pagpapasya kaugnay ng legalidad ng deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.
Aguirre ibinunyag na may kumubra ng P10-M reward money kasunod ng pagsuko ni Napoles
Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mayroong kumubra ng sampung (10) milyong pisong reward money mula sa isang mataas na opisyal ng Malakanyang ng nakaraang administrasyon, kasunod ng pagsuko ni Pork Barrel Scam Queen Janet Lim Napoles.
Gayunman, sinabi ni Aguirre na mas mainam na ang kampo na lamang ni Napoles ang magbunyag kung sino ang nasabing opisyal.
Matatandaang noong August 28, 2013, ang noon ay wanted na si Napoles ay sumuko kay dating Pangulong Noynoy Aquino, ilang oras matapos ianunsyo ng pamahalaan ang sampung (10) milyong pisong pabuya na ipagkakaloob sa makapagtuturo ng impormasyon para sa ikadarakip ni Napoles.
Si Napoles ay tinutugis noon sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Makati Regional Trial Court (RTC) para sa kasong serious illegal detention.
By Meann Tanbio | With Report from Bert Mozo