Nananatiling hawak ng Maute Group ang dalawa sa tatlong (3) tulay papasok sa sentro ng Marawi City.
Ayon sa AFP o Armed Forces of the Philippines, hindi basta-basta mapasok ng mga sundalo ang tulay ng Mapandi at Bayabao dahil sa mga sniper ng Maute na nakakalat sa paligid nito.
Nakataas ang bandila ng international terrorist group na ISIS sa tulay ng Mapandi.
Nagpatuloy naman ang opensiba ng militar upang muling mabawi ang buong syudad.
Samantala, labing anim (16) na residente ang na-rescue ng mga awtoridad matapos na ma-trap mula sa isang tahanan sa Barangay Raya Madaya.
Dinala ang mga biktima sa Provincial Capitol kung saan sila binigyan ng pagkain at agad na ipinatingin sa isang doktor.
Kaugnay nito, gumagamit na ngayon ang militar ng kanyon sa pakikipaglaban sa Maute Group sa Marawi City.
Ipinaliwanag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla na bukod sa pagpapakawala ng mga airstrike, kinailangan na nilang gumamit ng kanyon para tuluyan nang mawasakan ang bakbakan laban sa maute na mahigit isang linggo nang nagaganap sa Marawi.
Iginiit ni Padilla na isang hamon sa kakayahan ng AFP na tumugon sa problema sa seguridad, ang pakikipaglaban sa ISIS-inspired Maute.
Karaniwang ginagamit ang kanyon sa mga operasyon ng militar sa bundok at gubat, pero dahil sa lumalalang kaguluhan sa marawi, kinailangan na itong gawin.
ByRianne Briones / Meann Tanbio
2 tulay papasok ng Marawi hawak pa rin ng Maute was last modified: May 31st, 2017 by DWIZ 882