Nagsimula nang humawak ng armas ang mga taga-bayan ng Marantao sa Lanao del Sur na katabi lamang ng Marawi City.
Ayon kay dating Marantao Mayor Mohammdali Abboh Abinal mula barangay captain hanggang sa mga tauhan nito ay nakahandang idepensa ang kanilang bayan sakaling pasukin ito ng Maute Group.
Tiniyak ni Abboh Abinal na hindi aatrasan ng mga taga-Marantao ang mga terorista sakaling pagtangkaan ring kubkubin ang kanilang bayan.
“Lalaban kami sa ISIS kapag pumasok dito sa Marantao, hindi kami aatras, naka-alert ang mga barangay chairmen ko, nag-organize kami laban sa ISIS, no retreat, no surrender, walang inaatrasan ang tropa ng Marantao.” Pahayag ni Abinal
Peace corridors
Samantala, ikinakasa na ang peace corridors kung saan dadalhin ang lahat ng biktima ng labanan sa Marawi City.
Batay sa ipinalabas na mapa ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP, labing isang (11) lugar sa Lanao del Sur ang masasakop ng peace corridor.
Magsisimula ito sa bayan ng Malabang, daraan sa Calanogas, Pualas, Ganassi, Madamba, Madalum, Bacolod Kalawi, Rugaya, Balindong, Marantao at Marawi City.
Ang peace corridor ay magsisilbing isang ligtas na lugar para mapagdalhan ng mga sugatan at mga inililikas na mga sibilyan gayundin ang labi ng mga nasawi sa labanan sa Marawi City.
Dito rin dadalhin ang lahat ng mga pagkain at iba pang kakailanganin ng mga evacuees at mga residente sa mga liblib na lugar na karaniwang sa Marawi City namimili.
By Len Aguirre | with report from Ric Clet (Mindanao Correspondent)
Ilang residente sa Lanao del Sur nag-aarmas na vs. Maute was last modified: June 1st, 2017 by DWIZ 882