Nilinaw ng Department of Justice na bagamat Mindanao lamang ang nasa ilalim ng batas militar, maaari pa ring arestuhin kahit sa Luzon at Visayas ang mga hinihinalang sangkot sa gulo sa Marawi City.
Ginawa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pahayag kasunod ng ipinalabas na unang arrest order ni Martial Law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Paliwanag ni Aguirre, maituturing na continuing offense ang rebelyon na paglabag sa ilalim ng Article 134 ng revised penal code kaya kahit sa labas ng Mindanao ay maaaring arestuhin ang isang hinihinalang sangkot sa pag-aaklas laban sa gobyerno kahit walang arrest warrant.
Alinsunod ito sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Umil versus Ramos kung saan tinukoy na ang rebelyon ay continuing offense.
Samantalang sa ilalim ng hot pursuit doctrine na nakapaloob sa Rule 113, Section 5 ng rules of court, pinapayagan ang warrantless arrest kung ang paglabag ay kapapangyari pa lamang o hindi kaya ay may personal knowledge of facts ang arresting officer na ang taong kanyang dadakipin ay gumawa ng krimen.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo
Mga sangkot sa gulo sa Marawi maaring arestuhin saan man panig ng bansa was last modified: June 3rd, 2017 by DWIZ 882