Tukoy na ng Philippine National Police ang identity ng lalaking namaril at nanunog sa Resorts World Manila.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, kinilala ang suspek na si Jessie Carlos, 42 anyos, hiwalay sa asawa at dating empleyado ng Department of Finance na nakadestino sa “one stop shop”.
Natanggal sa serbisyo si Carlos dahil sa misdeclaration at non-disclosure nito sa kanyang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Ayon sa pamilya ng suspek, baon sa utang si Carlos dahil sa pagkakalulong nito sa casino.
Lumalabas na ang isang bank account nito ay may utang na apat na milyong Piso, bukod pa sa iba pang utang nito sa ibang bangko.
Sinasabing ang malaking utang na ito ni Carlos ang dahilan ng pagkasira ng relasyon nito sa kanyang asawa at mga magulang na humantong din para ibenta nito ang kanyang Sports Utility Vehicle.
Matatandaang maliban sa pamamaril at pagnanakaw sinunog din ni Carlos ang ilang bahagi ng Resorts World Manila na dahilan upang masawi sa suffocation ang may mahigit tatlumpung biktima.
Nagpatiwakal sa sarili ang suspek sa pamamagitan ng pagsunog at pagbaril sa kanyang sarili.
By Meann Tanbio