Nag-deploy ng dagdag na traffic enforcers ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority sa mga lugar malapit sa mga eskuwelahan.
Ito ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim ay para bigyan ng ayuda ang mga motorista at mga estudyante sa pagbubukas ng klase ngayong araw na ito.
Ipinabatid din ni Lim ang inilagay na dagdag na signs sa mga crossing areas at pedestrian lanes bukod pa sa anti-parking signs.
Kaugnay nito ay kasado na rin ang ide-deploy na mga sasakyan ng MMDA sa gitna ng tigil-pasada ng grupong PISTON ngayong araw na ito.
Ayon kay Lim, nakatutok sila sa sitwasyon kayat kung kinakailangan ay kaagad silang magpapalabas ng mga sasakyan para saklolohan ang mga pasaherong maaapektuhan ng pagkilos ng grupo ni George San Mateo.
Aktibo aniya ang kanilang metrobase center kayat uubra namang ipadala ang mga nakaipon nilang sasakyan sa mga lugar na kailangan ito.
By Judith Larino
Dagdag traffic enforcers ikinalat para sa pagbubukas ng klase ngayon was last modified: June 5th, 2017 by DWIZ 882