Sumalang na sa preliminary investigation ang pitong (7) Pulis – Malabon na inireklamo ng kidnapping, robbery extortion at pagtatanim ng iligal na droga bilang ebidensiya.
Kasama ang kanilang abogado, humarap kay DOJ o Department of Justice Assitant State Prosecutor Susan Azarcon ang pitong pulis na sina SPO2 Gerry Dela Torre, PO3 Michael Angelo Solomon, PO3 Luis Hizon Jr., PO2 Michael Huerto, PO1 Jovito Roque Jr., PO1 Ricky Lamsen at PO3 Bernandino Pacoma.
Gayunman, nabigo ang mga suspek na magsumite ng kontra salaysay matapos na mabatid na may inihaing supplemental complaint affidavit ang complainant na si Norma Adrales at ang PNP-CITF o Philippine National Police – Counter-Intelligence Task Force.
Kaugnay nito, hiniling ng mga suspek na mabigyan pa ng panahon para masagot ang mga karagdagang reklamo laban sa kanila.
Itinakda naman ni Piskal Azarcon sa Hunyo 13 ang susunod na pagdinig para sa paghahain ng counter affidavit ng pitong Pulis – Malabon.
Matatandaang sumuko ang mga nasabing pulis matapos na magpalabas ng tig-dalawang milyong pisong (P2-M) pabuya laban sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte.
By Krista De Dios | With Report from Bert Mozo