Nabigla ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa naging pagbubunyag ng defense minister ng Indonesia na nasa 1200 ang mga dayuhang terorista sa Pilipinas.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, nakagugulat aniya ang naturang pahayag dahil wala aniya silang ganuong kalaking bilang ng mga foreign terrorist sa bansa ngunit kanila aniya itong beberipikahin.
Bagama’t aminado si Padilla na may mga dayuhang terrorista silang napapatay sa bakbakan sa Marawi ngunit walo lamang aniya ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sa panig ng Malakaniyang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi sila sigurado sa eksaktong bilang subalit malinaw na kagagawan ng mga lokal at dayuhang terorista ang bakbakan sa Marawi City.
Ani Abella, matagal nang takbuhan at kanlungan ng mga pinaghahanap ng batas mula Indonesia, Malaysia at iba pang bansa ang Southern Philippines o ang Mindanao.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping