Bumuo na ng rapid response team ang Department of Labor and Employment o DOLE.
Ito ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say ay bilang paghahanda sa posibleng repatriation ng mga Pilipino sa Qatar.
Sinabi ni Say na itinalaga siya ni Labor Secretary Silvestre Bello na pangunahan ang nasabing response team na tungkuling humingi ng regular report sa sitwasyon sa mga bansa kung saan may POLO o Philippine Overseas Labor Office, hindi lamang sa Qatar.
Sa kanilang pulong na isinagawa umaga ng Miyerkules, ipinabatid ni Say ang posibilidad na magtungo ang response team sa Qatar para personal na tingnan ang sitwasyon ng mga Pinoy doon.
Tiniyak naman ni Say na mahigpit na tinututukan ng gobyerno ang nasabing usapin.
By Judith Estrada – Larino