Nilinaw ng Department of Labor and Employment o DOLE na pinapayagan nang magtungo sa Qatar ang mga dati ng empleyado o tinatawag na balik-manggagawa.
Kasunod ito ng deployment ban na ipinatupad ng ahensya sa gitna ng political crisis na kinakaharap ng Qatar.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinapayagan na bumalik sa Qatar ang Pinoy na dati nang nagtatrabaho doon na nakabakasyon lamang sa ngayon sa bansa.
Pinapayagan ding lumipad patungo sa nasabing bansa ang mga Pinoy na direct hires pati na rin ang mga nabigyan na OEC o Overseas Employment Certificate.
Tanging hindi papayagan ay ang mga sumasailalim pa lamang sa proseso o ang mga bago pa lamang nag-applay para makapagtrabaho sa Qatar.
Rapid response team
Bumuo na ang DOLE ng rapid response team para tumutok sa mga OFW sa gitna ng krisis sa Qatar.
Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, ito ay bilang paghahanda sa posibleng repatriation ng mga manggagawang Pilipino sa nasabing bansa.