Pangungunahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdiriwang ng ika-isandaan at labing siyam (119) ng Kasarinlan ng Pilipinas sa Rizal Park sa Lunes, June 12.
Ayon kay Rene Escalante, chairman ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), makakasama ng Pangulo sa pagdiriwang si Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni NHCP Executive Director Ludovico Badoy, magkatuwang ang Pangulo at Pangalawang Pangulo sa wreath laying at flag raising activities sa Lunes.
Samantala, pangungunahan naman ng ilang government official at senador ang pagdiriwang ng Independence Day sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Inilatag na seguridad ng MPD sa anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kasado na
Kasado na ang inilatag na seguridad ng Manila Police District o MPD sa pagdiriwang ng ika-labing siyam na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay MPD Spokesperson Superintendent Erwin Margarejo, mahigit sa isang libo at animnaraang (1,600) mga pulis ang kanilang ide-deploy sa mga lugar na pagdarausan ng pagdiriwang simula Hunyo 9 hanggang Lunes, Hunyo 12.
Kaugnay nito nagpalabas na rin ng abiso ang MPD sa mga isasarang kalsada sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Lunes.
Tiniyak naman ng MPD na walang silang natatanggap na banta sa seguridad sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Libreng sakay sa MRT at LRT sa Araw ng Kalayaan
Magkakaroon ng libreng sakay ang MRT at LRT sa Lunes, Hunyo 12 bilang pag-gunita sa ika-isang daan at labingsiyam na anibesaryo ng Araw ng Kalayaan.
Gagawin ang libreng sakay mula 7:00 hanggang 9:00 ng umaga at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Ayon sa NHCP o National Historical Commission of the Philippines, layun ng libreng sakay na magkaroon ng pagkakataon ang publiko na makilahok sa mga aktibidad sa Araw ng Kalayaan.
Kabilang sa mga nasabing aktibidad ang pagsasagawa ng job fair ng DOLE at ang libreng medical, dental at optical check-up sa pagtutulungan ng Department of Health, MMDA at City Government ng Maynila.
By Judith Estrada – Larino / Krista De Dios | With Report from Aileen Taliping / Aya Yupangco