Naiuwi na sa kani-kanilang mga pamilya ang lima (5) sa sampung (10) Marines na nasawi sa bakbakan sa Marawi City.
Kabilang dito ang mga labi nina Corporal John Romulo Garcia, Staff Sergeant Joven Triston, Sgt. Simon Plares, Corporal Rolan Sumagpang at Private First Class Bernie John Lunas.
Ang mga nasabing labi na nakaburol sa Marine Headquarters sa Fort Bonifacio sa Taguig City ay kinuha na ng kanilang mga kaanak pasado alas-12:00 ng hatinggabi.
Samantala, ang labi ni First Lt. John Frederick Savellano ay inilipat sa memorial chapel ng Marines bago dalhin sa St. Peter Memorial Chapel sa Quezon City bukas at ihatid sa huling hantungan sa Sabado.
Si Savellano ay nanguna sa team na nakarekober ng mahigit pitumpung (70) milyong pisong cash at tseke mula sa isang bahay na kinumander ng Maute Group sa Brgy. Mapandi sa Marawi City noong isang linggo.
Iuuwi naman sa Baguio City ang labi ni Private First Class Gener Tinangag.
By Judith Larino
*Malacañang Photo