Ibinasura na ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang deadline nila para tuluyang masukol ang Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, nais nilang matiyak na malilinis sa mga terorista ang Marawi kaya’t hindi na sila magtatakda ng deadline para tugisin ang mga miyembro ng Maute Group.
Kasunod na rin ito nang kabiguan ng mga otoridad na mabawi ang Marawi City noong Lunes sa pagdiriwang ng ika-isandaan at labing siyam (119) na kalayaan ng Pilipinas.
Sinabi ni Padilla na symbolic lamang ang araw ng Lunes at ito ay maituturing na makahulugan sa lahat dahil nga araw ito ng kalayaan.
Ang June 12 deadline aniya ay ibinase sa pahayag ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año nang huling bumisita ito sa Marawi City.
By Judith Larino