Nasermonan sa ikalawang pagdinig ng Kamara hinggil sa naging pag-atake sa Resorts World Manila ang CCTV surveillance team ng hotel – casino gayundin ang security provider nitong N.C. Lanting.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, marahil nailigtas pa sana ang may 37 nasawi sa insidente kung nagkaroon lamang ng tamang koordinasyon sa kasagsagan ng pag-atake nuong Hunyo 2.
Hindi rin kumbinsido si Fariñas na nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga security personnel ng hotel at ang gunman na si Jessi Carlos nang ikumpara ng committee on games and amusements ang kuha ng CCTV at ng isang netizen gamit ang Facebook live.
Humarap din sa nasabing pagdinig ang lady guard na si Mary Grace Rayala na siyang humarang kay Carlos at inilahad nito kung paano ito nakalusot sa security team ng nasabing hotel – casino.
By: Jaymark Dagala