Bantay sarado ngayon ang buong Metro Manila makaraang dalhin dito ang mag-asawang Cayamora at Farhana Maute na naaresto sa magkahiwalay na lugar sa Mindanao.
Kasunod nito, tiniyak ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang kaligtasan ng kabisera ng bansa laban sa Maute Terror Group na posibleng magtangka na sumaklolo sa mag-asawang Maute.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, nananatiling maayos ang Metro Manila at wala silang namamataang banta mula sa teroristang grupo.
Giit pa ni Padilla, maayos na nakalatag ang seguridad ng pambansang pulisya hindi lamang sa National Capital Region kung hindi sa buong bansa at nakikipagtulungan ang Joint Task Force NCR para sa mahigpit na pagbabantay dito.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping