Tiniyak ng embahada ng Pilipinas sa Qatar na normal ang sitwasyon at hindi nahaharap sa anumang klase ng panganib ang mga OFW’s o Overseas Filipino Workers doon.
Ito ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello ang dahilan kaya’t nagpasya syang tanggalin ng tuluyan ang ban sa pagpapadala ng mga bagong manggagawang Pilipino sa Qatar.
Matatandaan na nagpatupad ng limitadong deployment ban ang DOLE o Department of Labor and Employment matapos na putulin ng anim (6) na bansa sa Middle East ang kanilang diplomatic ties sa Qatar.
Sinabi ni Bello na sa ngayon ay maraming trabaho ang bukas sa Qatar.
“Mga appeal ng ating mga kababayan doon na sabi nila, oo okay naman kami dito wala naman pong riot, wala naming kaguluhan.”
“The basis of the recommendation of our labor associate of the Department of Foreign Affairs (DFA) as a guarantee from the Qatari government thru its ambassador, we decided to allow the deployment kasi ang dami ng kailangan doon, mga teachers, mag o-open na ho ang klase nila wala daw silang teacher. Yung construction workers kasi grabe yung construction doon”, ani Bello.
Remittances ng OFW’s bumagsak sa 15-month low noong Abril
Bumagsak sa 15-month low noong Abril ang remittances ng mga Overseas Filipino Workers o OFW’s.
Patunay umano ito ayon sa mga otoridad na nararamdaman na ang epekto ng repatriation ng mga Pinoy mula sa Saudi Arabia dahil sa paghihigpit ng nasabing bansa sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa.
Batay sa talaan ng remittances ng mga OFW, naitala sa 2. 08 billion dollars o mas mababa ito ng halos 6% sa padala ng mga Pinoy workers.
Lumalabas sa record ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas, ang Saudi ang isa sa top remittance sources.
Sinabi ni BSP Governor Amando Tetangco na nagkaroon ng 7.6% na pagbaba sa cash remittances mula sa land based workers na nakaapekto naman sa second quarter record.
By Len Aguirre / Judith Estrada – Larino