Muli nang nasilayan ng publiko si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang isang linggo nitong pagpapahinga.
Binisita kahapon ng pangulo ang mga sundalo ng 4th infantry division sa kanilang advance command post sa Bancasi, Butuan City.
Ininspeksyon ng pangulo ang mga nabawing armas mula sa mga armadong grupo at pinangunahan din nito ang paggagawad ng parangal sa ilang sundalo at miyembro ng CAFGU o Civilian Armed Forces Geographical Unit.
Sa kaniyang maikling talumpati, tiniyak nito sa mga sundalo at pulis ang mga karagdagang benepisyo para sa kanila at binigyang diin nito ang kahalagahan ng kanilang tungkuling ginagampanan para sa bayan.
Kasunod nito, nagpasalamat ang pangulo sa mga sundalo sa kanilang pag-aalay ng buhay para sa ikatatahimik at ika-a-ayos ng sambayanan.
Pag-iral ng martial law sa Mindanao, magtatagal pa
Samantala, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na iiral pa rin ang martial law sa Mindanao hangga’t hindi tuluyang napupulbos ang mga teroristang grupo sa Marawi City at sa iba pang panig ng rehiyon.
Bagama’t tiwala ang pangulo na matagal na pinag-handaan ng grupong Maute ang kanilang pag-atake sa Marawi City, sinabi ng pangulo na susunod siya sa Korte Suprema sakaling magpasya ito na labag sa batas ang kaniyang ipinatupad na kautusan.
Nanindigan din ang pangulo na walang failure of intelligence sa ginawang pag-atake ng grupong Maute sa Marawi City nuong isang buwan.
Mga kritiko, muling binuweltahan ng pangulo
Kinalma ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko maging ang kaniyang mga kritiko makaraang hindi siya makita nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa pangulo, dapat masanay na ang mga taga-Maynila na hindi siya nakikita dahil hindi siya sanay na inaalam ang kaniyang mga pinupuntahan.
Wala ring dapat ipag-alala ang publiko ayon sa pangulo dahil mayruon naman aniyang bise presidente na hahalili sa kaniya sakaling may mangyaring masama sa kaniya.
Kasunod nito, pinayuhan din ng pangulo ang kaniyang mga kritiko na lakasan ang dasal kung nais talaga nilang tuluyan siyang mapatalsik sa puwesto.
By Jaymark Dagala
Pangulong Duterte muling humarap sa publiko matapos ang isang linggong pananahimik was last modified: June 18th, 2017 by DWIZ 882