Tuloy-tuloy ang airstrike at ground assault ng mga sundalo sa ilang bahagi ng Marawi City sa pagpasok nang ika-dalawamput siyam (29) na araw na pakikipag-bakbakan sa Maute Group.
Naniniwala ang AFP o Armed Forces of the Philippines na ang natitirang miyembro ng Maute Group na nasa Marawi City ay armado pa rin ng rocket propelled grenades.
Bukod pa ito sa improvised explosive devices (IED) at iba pang matataas na kalibre ng baril na hawak ng teroristang grupo.
Ayon sa militar, hanggang nitong nakalipas na Hunyo 18 ay nasa dalawandaan at limamput pitong (257) militante na ang nasawi at dalawamput limang (25) armas na ang narerekober.
Safe Zone para sa mga miyembro ng media pinaputukan ng mga sniper
Pinaputukan ng mga sniper na hinihinalang mula sa Maute Group ang Lanao del Sur Provincial Capitol na kabilang sa mga itinalagang safe zone para sa mga miyembro ng media.
Dahil dito, nagkumahog ang mga tao na nasa compound tulad ng media men para makapagtago.
Sa nasabing compound nahagip ng ligaw na bala ang isang Australian journalist na si Adam Harvey.
Ang provincial capitol na matatagpuan sa Marawi City ay halos dalawang (2) kilometro lamang ang layo sa sentro ng bakbakan ng militar at Maute Group.
Bilang ng mga residenteng naiipit sa bakbakan sa Marawi bumaba na
Bumaba na ang bilang ng mga residenteng naiipit pa rin sa bakbakan sa Marawi City.
Ito ayon kay ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao Assemblyman Zia Alonto Adiong ay mula sa mahigit dalawang libong (2,000) residente na una nang napaulat na nasa loob pa rin ng nasabing lungsod.
Sinabi ni Adiong na marami sa mga residente ay naglakad sa mga tulay hanggang ligtas na makalabas ng lungsod.
By Judith Estrada – Larino