Handa na umanong magpatuloy muli sa kanilang operasyon ang Resorts World Manila matapos ang malagim na pag-atake rito na ikinasawi ng 38 indibiduwal.
Ito ang inihayag ni PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairperson Andrea Domingo sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng Kamara kahapon.
Gayunman, sinabi ni Domingo na kanila munang titiyakin kung ligtas na nga ba ang Resorts World para muli itong mag-operate at kung sapat na ba ang seguridad nito upang hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente.
Nag-abiso na rin aniya ang pamunuan ng Resorts World sa PAGCOR na hindi na nito gagamitin muli ang ikalawang palapag ng nasabing hotel casino kung saan sinasabing nasawi ang marami sa mga biktima dahil sa suffocation nang magkasunog sa lugar.
By: Jaymark Dagala