Nagsanib-pwersa ang National Food Authority at DSWD sa pagsasagawa ng imbestigasyon makaraang makatanggap ng report na mayroon umanong mga pekeng bigas na ipinamahagi sa bayan ng Sta. Fe sa Bantayan Island, Cebu.
Ayon sa ulat, ang mga pekeng bigas diumano ay nakuha ng mga residente ng Sta. Fe mula sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi ni DSWD Central Visayas Information Officer Leah Quintana na hindi sila namigay ng NFA rice sa mga benepisyaryo ng 4P’s sa bayan ng Sta. Fe.
Nilinaw ni Quintana na nang mamigay ang DSWD ng cash assistance para sa 4P’s, namigay din sila ng dagdag na P600 bilang rice allowance.
Hinikayat naman ni Olma Bayno, information officer ng NFA Central Office, ang mga residente ng Sta. Fe na magpunta sa NFA office at magdala ng sinasabing pekeng bigas para maisailalim sa eksaminasyon.
By: Meann Tanbio