Hindi magdadalawang-isip ang Department of Health o DOH na itulak ang total ban sa mga paputok kung may mga madidisgrasya pa rin sa kabila ng kontrolado nang paggamit ng paputok sa mga okasyon.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, masusi nilang babantayan ang paggamit ng paputok na naaayon sa nilagdaang executive order ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng EO, papayagan lamang ang paggamit ng paputok kung gagawin ito sa mga community regulated areas at pangangasiwaan ng isang eksperto.
“Considered ng mga eksperto bilang dangerous substances at objects kaya hindi puwedeng ang walang karanasan, o yung mga kabataan ang magha-handle nito, these are pyrotechnics, Bureau of Fire lang dapat o trained people ang dapat lang na mag-handle nito.” Ani Ubial
Kasabay nito, ipinahiwatig ni Ubial na mas pabor siya sa tuluyang pagkitil sa industriya ng paputok kung hindi magtatagumpay ang kontroladong paggamit nito.
Ayon kay Ubial, hindi niya makita ang lohika sa isang industriya na nakakasakit o nagiging dahilan ng kamatayan o pagkabalda ng isang tao.
Gayunman, sinabi ni Ubial na nagkaroon naman ng pag-uusap ang DOH at ang mga lokal na pamahalaan upang mapagkalooban ng kabuhayan ang mga apektado ng executive order na kokontrol sa paggamit ng paputok.
“Bakit natin ipe-perpetuate ang isang industry na nakakasakit?, it is harmful to the people, hindi po natin ma-me-measure yung kinita sa life disability cost, life loss, sa buhay, ipagpapalit ba natin yan sa industry na harmful? yan po ang tinitignan natin wala pong presyo ang buhay.” Pahayag ni Ubial
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Total ban sa paputok handang itulak ng DOH was last modified: June 22nd, 2017 by DWIZ 882