Minamadali na ng pamahalaan ang pagbili ng mga family sized tents na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga apektadong pamilya sa Marawi City.
Ito’y ayon kay Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo makaraang tiyakin sa mga apektadong pamilya ang tulong na ibibigay sa kanila ng pamahalaan.
Paliwanag ng kalihim, mainam na ang mga tents kaysa bigyan ang mga ito ng emergency shelter assistance dahil natatagalan ito sa validation at proseso bago maibigay sa mga pamilyang biktima ng gulo.
Maliban sa 1,000 Pisong cash assistance, may 4,000 Piso pa silang dagdag tulong sa bawat pamilya sa sandaling bumalik na ang mga ito sa kanilang tahanan para makapagsimulang muli.
Kasunod nito, inihahanda na rin ng pamahalaan ang Ramadan pack sa bawat pamilya para may mapagsaluhan sila sa Eid’l Fitr sa darating na Lunes.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping