Suportado ni Presidential Communications Office o PCO Assistant Secretary Mocha Uson ang panukalang batas na nagsusulong na mapakulong ang nagpapakalat ng pekeng balita.
Ayon kay Uson, napapanahon na upang mapanagot sa batas ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga balitang walang basehan.
Inihalimbawa pa ni Uson ang pagkalat ng balitang umabot sa 59 ang namatay sa mga evacuation center na tinutuluyan ng mga biktima sa Marawi siege ngunit batay sa DOH o Department of Health ay 19 katao lamang.
Bagaman pabor si Uson na maparusahan ang mga nagpapakalat ng fake news inihayag nitong kinakailangan ding masusing pag-aralan ang batas.
Sa inihaing Senate Bill Number 1492 o ang Anti – Fake News Act ni Senador Joel Villanueva, maaaring makulong ng hanggang limang (5) taon at pagmultahin ng mula isang daang libong piso (P100,000) hanggang limang (5) milyong piso ang sino mang mapatunayang nagpapakalat ng fake news.
Ayon kay Villanueva, saklaw ng panukalang batas ang lahat ng nag-publish at distribute ng maling balita sa diyaryo, telebisyon, online media o social media.
Iginiit din ng senador na napapanahon na ang paglikha ng batas laban sa fake news dahil nagagamit ito para manakot at bilang propaganda o manira ng isang tao, grupo at institusyon.
By Rianne Briones
Panukalang batas kontra fake news suportado ni Mocha Uson was last modified: June 23rd, 2017 by DWIZ 882