Inalmahan ng media community ang panukalang batas kontra sa fake news dahil maituturing itong pagsupil sa kalayaang makapagpahayag .
Ayon kay Professor Luis Teodoro, Deputy Director ng Center for Media Freedom and Responsibility, maituturing na paglabag sa konstitusyon at pagsupil sa kalayaan ng pamamahayag ang panukala ni Senador Joel Villanueva.
Unang-una aniya na dapat sagutin ng panukala ni Villanueva ay kung ano ang ibig sabihin o ang tamang depinisyon ng fake news at kung sino ang puwedeng magsabi na fake news ang isang balita.
Si Teodoro ay dating nagsilbi bilang Dean ng University of the Philippines College of Mass Communications.
“Yun ang problema, kapag nagkaroon ka ng government regulation ang lalabas na mga report ay favorable lang sa government tapos yung mga reports na unfavorable puwede nilang sabihin na fake news kahit totoo, ang unang tanong ko diyan , sino ang magsasabi kung anong fake news at alin ang hindi, kritikal din doon ano ang depinisyon, ano ang fake news, ang fake news ang pagkakaalam lang ng mga tao yun lang na mga detalye, pero yung emphasis yung tinatawag natin sa pamamahayag na framing ay kasama din yan sa fake news, kapag inemphasize mo ang isang part pero inignore mo yung ibang parts, fake news din yun.” Ani Teodoro
Maging si Professor Danilo Arao, associate professor ng Department of Journalism sa UP College of Mass Communications ay nagpahayag ng pagtutol sa panukalang Anti-Fake News Law.
Ayon kay Arao, hindi batas ang dapat magkontrol sa fake news dahil hindi ito usapin ng court of law kundi ng court of public opinion.
Binigyang diin ni Arao na ang tanging solusyon sa fake news ay self-regulation.
Samantala, iminungkahi naman ni Teodoro na dapat ay simulan sa elementarya pa lamang ang media literacy courses upang magkaroon ng gabay ang mamamayan kung ano ang tunay at pekeng balita.
“Umpisahan na natin sa elementary, meron na ngayon sa high school, umpisahan sa elementary, high school hanggang college na merong media literacy courses kasi napaka-influential ng media ngayon, pero ang pinaka-solusyon diyan I think ay hindi government regulation ang dapat diyan ay ang self-regulation ng media at media literacy ng public.” Pahayag ni Teodoro
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Panukalang batas vs. fake news inalmahan ng media community was last modified: June 24th, 2017 by DWIZ 882