Umapela ang malakaniyang sa mga kritiko na huwag nang bigyan ng malisya o negatibong pakahulugan ang madalang na public appearance ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang magbalik Malakaniyang at muling nasilayan ng publiko ang Pangulo kahapon matapos ang anim na araw na pamamahinga nito.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, buhay na buhay ang Pangulo at abala ito sa kaniyang trabaho bilang punong ehekutibo.
Kahit aniya hindi nakikita ang Pangulo, sinabi ni Abella na tuloy ang trabaho nito at marami siyang ginagawa lalo na sa mga paper works.
Giit pa ni Abella, nananatili pa ring kontrolado ng Pangulo ang sitwasyon sa mga problema ng bansa lalo na sa nagpapatuloy na gulo sa Marawi City na kagagawan ng mga teroristang Maute.
Kahapon, pinangunahan ng Pangulo ang pagpupulong ng NEDA o National Economic and Development Authority gayundin ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa Palasyo ng Malakaniyang.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping
Pangulong Duterte muli nang nasilayan ng publiko matapos ang anim na araw na pamamahinga nito was last modified: June 28th, 2017 by DWIZ 882