Dahil sa kapalpakan at madalas na pagka-aberya ng sistema ng tren sa Metro Manila tulad ng Light Railways Transit (LRT) at ng Metro Railways Transit (MRT) ay napupuna na ito ng sambayanan.
Kamakailan lamang ay lumabas sa mga social networking sites ang iilan o di kaya ang madalas na aberya ng MRT at LRT, tulad ng mahabang pila, siksikan sa loob ng mga bagon at ang bago rito ay ang tumutulong tubig sa bubungan ng mga bagon ng tren.
Kaya naman dahil sa mga kapalpakang ito, pati ang magarbong piging o party ng mga empleyado ng LRTA ay naging usap-usapan sa mga netizen na siya namang pinatulan ng mga progresibong grupo tulad ng Bayan Muna ni Secretary General Renato Reyes.
Sa kanilang pahayag, hindi raw dapat maging waldas ang LRTA dahil imbes na mag-party ay dapat ibuhos na lamang ang pondo sa pagsasa-ayos ng serbisyo sa tren.
Wala namang masama sa gustong mangyari ng mga tumuligsa sa LRTA pero dapat maging maingat din tayo sa paghusga sa ating kapwa manggagawa, sa puntong ito ay mga emplyeado ng LRTA, na siyang naiipit sa isyu ng palpak na serbisyo ng mga tren.
Sa aking palagay, wala namang masamang magdaos ng piging o party ang LRTA tulad ng pag-celebrate ng kanilang 35th Anniversary, ika nga may karapatan naman silang ipagdiwang ang matagal ng pagiging empleyado ng ahensiya kaya huwag na nating ipagdamot sa kanila ang magdiwang.
Sa isyu ng magarbo, sa tingin ko ay hindi naman labis-labis ang ginastos dito ng mga empleyado, katunayan naging creative pa nga sila sa pagpili ng kanilang tema na gawing mala-mardi gras ang okasyon.
Nagmistula na lamang itong magarbo sa pananaw ng ilang tao, dahil sa suot nilang mga costume, pero para sa akin ay tama lamang at hindi ito maluho.
Tulad nga ng paliwanag ng LRTA, na naayon sa batas at sapat lamang ang kanilang ginastos batay sa panuntunan ng spending measures ng pamahalaan.
At mahalaga dito ay hindi ito ninakaw ng mga empleyado ng LRTA at ito ay matagal nang nakalaan sa taon-taong anibersaryo ng ahensiya, kaya huwag na ho nating ipagdamot sa kanilang ang isang okasyon.
Siguro ang gusto lamang nating iparating sa mga kinaukulan ay sa mga ganitong panahon, mas dapat maging maingat tayo at maging sensitive tayo sa nararamdaman ng ating mga kababayan lalong-lalo na kung hinahanap ng publiko ang tamang serbisyong laan kapag sila ay tumatangkilik ng tren.
Maging eye-opener sana ito na ibigay sa riding public ang dapat nilang matanggap na tama at sapat na serbisyo katumbas ng kanilang ibinabayad.
At panghuli, LRTA at pamunuan ng MRT, panahon nang bumawi kayo sa sambayanan upang hindi kayo araw-araw napupuna at nababatikos.