Sa isang taon ng administrasyong Duterte, nasaan na nga ba tayo ngayon, at ano na ang ating hinaharap?
“It’s a mix of successes and pitfalls.”
Ito ang assessment ng political analyst at University of the Philippines Professor na si Ranjit Rye sa unang taon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya may mga inisyatibong sinimulan na ang administrasyon na nagiging positibo naman ang resulta tulad ng peace process, pagbuo ng isang maayos na economic team at mga itinuloy na mga ‘existing policies’ na malaking bagay para sa isang magandang simula.
“Yung pag-host natin ng ASEAN meeting, yung relationship with China at iba pang bansa, andiyan din yung social development policies na nakatutok sa mahihirap, yung pag-fast track at pag-ayos ng prosesong pang-burukrasya at para sa mga OFW nang hindi na masyadong mahirapan, tourism, infrastructure programs, marami kasing insiyatibo at programa na nagsimula pa lang, of course yung initiative towards tax reform medyo controversial pero magandang nasimulan na yan.”
Kasabay nito ay pinapurihan ni Rye ang magandang pinatutunguhan ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte sa kabila ng bumababang halaga ng piso.
“I think medyo klaro na maganda ang grado ng Presidente sa ekonomiya, although tumataas din ang inflation natin pero then again maraming positive, yung investment tumaas, yung jobs medyo positive ang jobs market natin after a long time, at meron siyang programa na infrastructure development na very ambitious, mukhang hopeful ang lahat sa economy side, maganda ang nangyayari, very positive ang outlook.”
Mataas din ang ibinigay na grado ni Rye sa Pangulo na aabot sa 8 hanggang 9 pagdating sa mga basic services at paglaban sa katiwalian, samantalang 7 hanggang 8 naman pagdating sa giyera kontra krimen.
Gayunman binanggit din ni Rye ang ilang kontrobersiyang bumalot sa pag-upo sa puwesto ni Duterte lalo na ang madugong giyera kontra droga ng gobyerno.
“Andiyan yung war on drugs, maraming namatay, bumaba yung crime rate pero controversial talaga yan, andiyan din yung style ng Presidente, yung salita niya so laging may mix talaga yan.”
Pasado man para kay Rye ang laban ng Duterte administration kontra iligal na droga sinabi nitong kinakailangang ayusin pa ang nasabing kampanya.
“Siyempre papasa yan pero kailangang ibalanse yung law enforcement at human rights protection, yan ang challenge talaga sa gobyerno, pero malaki ang impact niyan sa pagbaba ng krimen, andiyan naman ang mga survey na suportado ang programa although may mga puna at kailangan lang ayusin ang programa.”
Idinagdag din ni Rye ang mga repormang dapat tutukan ng administrasyon dahil marami rin namang pagkukulang ang administrasyon sa kabuuan.
“Meron pa ring corruption eh, kailangang i-accelerate yung bureaucratic reforms, kailangan yung criminal justice system ma-reporma para bumilis ang mga kaso, pasado naman ang Presidente diyan kasi may mga inisyatiba nang sinimulan kagaya ng pag-simplify ng proseso sa government offices, red tape at pagtanggal sa puwesto sa mga corrupt officials.”
Ayon kay Rye, nailatag na ng maayos ng Pangulo ang mga nais niyang mangyari sa bansa, ang kailangan na lamang ay magandang pagpapatupad ng mga ito.
“Normal yan sa isang administrasyon, may hit and miss yan, pero para sa akin on the whole maganda ang unang taon, kailangan lang mag-focus on implementation, so kung may BUILD, BUILD, BUILD dapat may IMPLEMENT, IMPLEMENT, IMPLEMENT, we have to focus on that kasi mataas ang expectation ng taong bayan, na may mailalatag na magagandang programa at solusyon sa mga araw-araw na problema natin.” Pahayag ni Rye
Assessment ng ilang mga kasalukuyan at nagdaang opisyal ng pamahalaan
Binigyan ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto si Pangulong Rodrigo Duterte ng “8” na grado at sinabing kuntento siya sa naging performance ni Pangulong Duterte sa unang taon nitong panunungkulan. Anya, sa unang taon pa lamang ay naging matindi na ang hakbang ng Pangulo para labanan ang iligal na droga at banta ng terorismo sa bansa na aniya’y hindi ginawa ng nakalipas na administrasyon.
Para naman kay Senate President Koko Pimentel, isang ‘fundamental change’ ang ginawa ng Pangulo sa bansa.
Giit ni Pimentel kinakamayan na natin ang mga bansang hindi napapansin noon, katulad ng China at Russia na anya’y isang malaking pag-unlad sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at iba pang bansa sa mundo.
Dagdag pa ni Pimentel kung meron mang dapat pagtuunan pa ng pansin ang Duterte administration sa susunod na taon nito, ito ay ang pagpapatupad ng mga infrastructure projects at peace and order.
Samantala, nagbigay din ng komento si dating Congressman at National Security Adviser Roilo Golez hinggil sa mga naging hakbangin ng pamahalaan sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea kung saan inihayag nito na habang tuloy ang diplomatic at economic engagement ng Pinas sa China ay huwag din sanang kalimutan na ipaglaban ang ating karapatan partikular sa teritoryo.
Paliwanag ni Golez, sa mata ng International Law, pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea kaya ito ang dapat panghawakan ng kasalukuyang administrasyon.
Bagaman nananatili ang suporta ni dating Pangulong Fidel Ramos kay Pangulong Duterte, nanindigan pa rin ito na mas matimbang pa rin ang interes ng taumbayan.
Binatikos ng dating punong ehekutibo ang malaking bilang ng delegasyong binitbit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa state visit nito sa Russia.
Giit ng dating Pangulo, hindi dapat isinama lahat ng Pangulong Duterte ang halos lahat ng matataas na opisyal ng pamahalaan na dapat sana’y nagkokontrol sa sitwasyon habang nagkakagulo sa Marawi City.
Ayon kay Ramos, hindi pa naman ito ang unang pagkakataon na may banta ng karahasan sa bansa gaya ng nangyari noong bakbakan sa Butig, Lanao del Sur.
Matatandaang kasama sa biyahe ng Pangulo pa Russia sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Council Secretary Hermogenes Esperon, AFP Chief of Staff Eduardo Año at PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
*********
Muli nating balikan ang ilang mahahalagang kaganapan sa isang taong panunungkulan ng isa sa pinaka-popular at kontrobersyal na umupong pangulo ng Pilipinas…Si Rodrigo Roa Duterte.
Unang taon, tila isang ‘roller coaster ride’
Tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng assessment ang kanyang naging unang taon sa puwesto.
Ayon kay Duterte, gagawin lamang niya ito kapag natapos niya ang kanyang termino.
Ngunit humirit ang Pangulo na kung hindi na niya aabutin ito ay sana ay maging parehas naman ang publiko sa kanilang gagawing assessment sa kanyang naging serbisyo.
Tinawag naman ng Pangulo na tila-roller coaster ride ang kanyang isang taon dahil sa high and lows na nangyari sa kanyang administrasyon.
At ngayon, sa darating na ikalawang State of the Nation Address ng Pangulo ngayong Hulyo, ano pa ang inaasahan mo sa kanyang administrasyon sa mga susunod na taon?