Pirma na lamang ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang kulang para tuluyang masibak sa puwesto ang nasa walumpu’t apat (84) na pulis na sangkot sa iba’t ibang kaso tulad ng iligal na droga at terorismo.
Ayon kay Dela Rosa, dalawa sa nakatakda niyang sibakin ay sina Supt. Lito Cabamongan at Supt. Maria Cristina Nobleza na kapwa mga opisyal ng PNP.
Si Cabamongan ay ang dating pinuno ng Alabang Sattelite Office ng PNP Crime Lab na nahuli sa aktong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Habang si Nobleza ay ang police official na sinasabing may kaugnayan sa teroristang grupong Abu Sayyaf.
Year One
Samantala, inihahalintulad ni Dela Rosa sa pag-sakay ng amusement park rides na “anchors away” ang kanyang isang taon bilang hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay Dela Rosa, tulad ng paghagis pataas ng anchors away ay lubos ang kanyang nararamdaman na saya sa tuwing nakatatanggap siya ng papuri at pasasalamat mula sa publiko.
Gayundin aniya, sa pagbulusok naman pababa ng nasabing ride ay parang hinihila ang kanyang “bayag” sa mga balita tungkol sa scalawags, naka-droga at mga sangkot sa krimen na mga pulis tulad ng kaso ng koreanong si Jee Ick Joo.
Ipinagmalaki naman ni Dela Rosa ang pagbaba aniya ng bilang ng krimen sa bansa at opinyon ng publiko na mas ligtas ang kanilang pakiramdam ngayon na patunay na sa loob ng isang taon ay naging matagumpay ang kanilang giyera kontra iligal na droga.
By Krista de Dios / with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
84 pulis na sangkot sa iba-ibang kaso nakatakdang sibakin was last modified: July 3rd, 2017 by DWIZ 882