Hahatulan ng taongbayan ang mahigit sa 5 taong panunungkulan ng Pangulong Noynoy Aquino kasabay ng kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, July 27.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, isang malaking pagkilos ang gagawin nila sa araw ng SONA ng Pangulo para ipabatid sa sambayanan ang malalaking isyu na pinagtakpan ni PNoy sa loob ng mahigit limang taon.
Kasabay nito, binatikos ni Reyes ang patuloy na panggigipit ng pamahalaan sa kalayaan nilang makapagpahayag ng kanilang saloobin tuwing SONA.
Binigyang diin ni Reyes na mapayapa ang kanilang mga ginagawang pagkilos at kaya lamang ito nahahaluan ng karahasan ay dahil ginigipit sila ng mga pulis.
“Kapag nagawad na ang hatol ng taongbayan, siyempre gusto natin makatampok yung tunay na kalagayan ng bansa hindi lang po ‘yung mga sasabihin ng Pangulo na malamang ay malayung-malayo na naman sa realidad. Problema po natin eh baka harangan na naman po tayo, yung ginasto na concrete barrier sa pagbisita ng Santo Papa mukhang ‘yun na po ang gagamitin laban sa mga magpoprotesta sa SONA eh.” Pahayag ni Reyes.
SONA security
Magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa huling SONA o State of the Nation Address ng Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, July 27.
Tiniyak ni Quezon City Police District Director Chief Superintendent Joel Pagdilao na all systems go na sila para sa seguridad sa SONA.
Gayunman, ipinabatid ni Pagdilao na mayroon pa silang pagpupulong bago ang mismong SONA kung saan tututukan ang martsa ng may halos 30,000 raliyista.
Iimbitahan din aniya nila sa Biyernes ang mga leader at organizer ng mga militanteng grupo para pag-usapan ang mga panuntunan sa pagsasagawa ng kilos protesta.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Judith Larino
Photo Credit: pinoyweekly.org