Ipinabubusisi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang nabunyag na malaking lugi ng LRTA o Light Rail Transit Authority dahil sa bentahan ng mga uncoded tickets o papel na kupon na ginagamit na ticket sa LRT.
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, kataka-taka ang sobrang pananahimik sa isyung ito ng pamunuan ng LRTA gayung tinatayang P115 milyong piso ang nawalang kita ng LRTA dahil sa bentahan ng uncoded tickets.
Ang mga papel na kupon ay ibinebenta bilang ticket sa LRT sa halagang P30, subalit dahil wala itong bar code puwedeng itong paulit-ulit na gamitin ng pasahero.
Batay sa mga opisyal na dokumento mula sa LRTA, umabot sa 2.42 million ang naibentang uncoded tickets para lamang sa buwan ng Marso sa halagang mahigit sa P72 milyong piso, pero ang bilang ng pasahero ay pumalo ng halos 13 milyon.
“Meron mga hindi ni-renew ang kontrata na mga teller pero may pinanagot bang mga opisyal? wala pa po kaming ganung nakukuhang impormasyon, mukhang wala naman pong inimbestigahan, mukhang gusto na lang nila itong itago sa publiko, kasi kung hindi po namin ito inilabas, hindi po nila ‘yan aaminin”. Giit ni Reyes.
By Len Aguirre | Ratsada Balita