Handang sagutin ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa korte ang lahat ng kuwestyon sa di umano’y maling paggamit nila sa excise tax mula sa tabako ng lalawigan.
Sa eksklusibong panayam ng Karambola sa DWIZ kay Marcos, sinabi nitong, sa korte sinasagot ang pagkuwestyon ng COA o Commission on Audit sa paggamit nila sa tobacco excise tax at hindi sa Kongreso.
Tinukoy ni Marcos ang pagsubpoena sa kanya ng House Committee on Good Government para sa imbestigasyon ng Kamara kung saan anim na sa mga opisyal ng Ilocos Norte ang ikinulong sa Kamara dahil sa di umano’y hindi malinaw na kasagutan sa mga katanungan ng mga mambabatas.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Governor Imee Marcos sa eksklusibong panayam ng DWIZ
Inihalintulad ni Marcos sa terorismo ang ginagawa ng Kamara hindi lamang sa kanya kundi maging sa Court of Appeals at Korte Suprema na kinaladkad na rin nila sa isyu makaraang magpalabas ng paborableng desisyon sa Ilocos 6.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Governor Imee Marcos
Fariñas
Posibleng ang ambisyon ni Congressman Rudy Fariñas na maitalagang Ombudsman ang di umano’y nagtutulak dito para magpaka-kontrobersyal at magpakitang gilas sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa eksklusibong panayam kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos, nagtataka syang naging national issue na ang dapat sana anya ay lokal na isyu lamang ng pulitika sa Ilocos Norte.
Ayon kay Marcos, noong una ay ang isyu lamang ng pagtakbo ng anak ni Fariñas bilang kapalit niya sa Kongreso ang isyu sa pagitan ng kanilang pamilya.
Upang matahimik anya si f Fariñas ay pinatanggal na niya sa distrito ni Fariñas ang kanyang registration at lumipat ng ibang distrito.
Gayunman, tila hindi anya nakuntento rito si Fariñas.
Matatandaan na si f Fariñas ang mismong nag mosyon na ikulong sa Kongreso ang anim na opisyal ni Governor Marcos sa Ilocos Norte at nangunguna sa pagpa-subpoena kay Marcos para humarap sa imbestigasyon ng Kongreso sa excise tax sa tabako ng Ilocos Norte.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Governor Imee Marcos