Pinabulaanan ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Executive Director Atty. Asis Perez na may idineklarang fishing ban sa Manila Bay.
Ito ay kasunod ng ipatutupad na fish holiday sa Huwebes ng mga mangingisda na miyembro ng Navotas Fish Traders bilang pagtutol sa umano’y ipatutupad na fishing ban sa Manila Bay.
Ayon kay Perez, mali ang impormasyon at sala ang paniniwala ng mga mangingisda sa balitang fishing ban.
Paliwanag ni Perez, karamihan sa nasasakupan ng Manila Bay ay municipal water at matagal ng bawal mag-operate ang mga commercial fishing vessel sa mga municipal water sa buong bansa.
Hinamon din ni Perez ang mga komersyal na mamamalakaya na ituloy-tuloy na ang fish holiday.
“Kung gusto po talaga nilang mag-fish holiday eh ituloy-tuloy na po nila para hindi naman po maapektuhan ang ating maliliit na mangingisda na apektado po lagi ng pagpasok ng mga commercial na palakaya doon po sa lugar na ipinagbabawal po sila.” Pahayag ni Perez.
Fish Holiday
Magpapatupad ng fish holiday ang mga mangingisda na namamalakaya sa Manila Bay sa Huwebes bilang pagtutol sa ipatutupad na umano’y fishing ban.
Kasunod ito ng nilagdaang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10654 na nag-aamiyenda sa umiiral na Philippine Fisheries Code na ipatutupad sa Setyembre.
Ayon kay Mario Pascual, Pangulo ng Navotas Fish Traders Association, partikular na kanilang tinututulan ang paglilimita sa tatlong kilo ang dapat maging huli ng isang mangingisda na aniya’y hindi makatao at di makatuwiran.
Nakasaad din aniya sa nasabing bagong batas na tanging pangangawil lamang ang papayagan sa Manila Bay kaya’t itinuturo umano sila na mangisda sa Scarborough o Panatag Shoal sa Zambales gayundin sa Palawan.
Dahil dito, inaasahang ninipis ang suplay ng isda sa mga pamilihan sa Huwebes bunsod ng ipatutupad na fishing holiday kung saan, walang manhuhuli at magbebenta ng isda mula sa Manila Bay.
Nakatakda silang magmartsa patungong Malacañang upang hilingin ang pakikipagdiyalogo kay Pangulong Noynoy Aquino at kanilang hihilingin ang pagsibak kay Atty. Asis Perez bilang pinuno ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Jaymark Dagala