Labag sa umiiral na demokrasya ang ginagawang pagdedesisyon ni Pangulong Noynoy Aquino para sa mamanukin ng Liberal Party (LP) sa 2016 elections.
Kasunod ito ng isinagawang pulong ni Aquino at Senator Grace Poe para pag-usapan ang eleksyon nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa political analyst na si Professor Clarita Carlos, hindi dapat nakasalalay lamang sa iisang tao ang pagpili sa magiging standard bearer ng isang partido.
“Hindi katanggap-tanggap sa akin na ang isang tao, kahit sino pa man siya, ay siya ang pumipili ng kung sino ang kakandidato, sino naman siya? Dapat gagawin ‘yan ng political party, hindi lang siya.” Giit ni Carlos.
SONA
Umaasa ang political analyst na si Professor Clarita Carlos na magiging tapat si Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang ilalahad na State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
Ayon kay Carlos, ‘di tulad nung mga nakaraang SONA, dapat ay mabigyan nito ng atensyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW’s).
Dagdag pa rito ay ang napakahalagang ASEAN economic community na sinasabing magsasalba sa maraming mahihirap sa bansa.
“Sana eh maging pantay siya sa paglalahad ng kung ano ‘yung magagandang nagawa ng administrasyon niya at kung ano pa ang mga hindi nila nagawa.” Dagdag ni Carlos.
Isyu sa West PH Sea
Samantala, hindi sagot ang pagpapalakas ng puwersang militar ng Pilipinas para maresolba ang isyu sa West Philippine Sea.
Ayon kay Political Analyst Professor Clarita Carlos, ito ay dahil hindi naman kayang pantayan nito ang lakas ng China.
Maaari naman aniyang pumayag ang bansa sa alok na bilateral talks ng China o kaya naman ay tutukan ang pagpapatibay pa ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
“Ginagawa natin ngayon ay nakikipag-ugnayan tayo sa Amerika, sa Japan, sa Vietnam, sa Australia kasi ‘yan ang mga bansang meron talagang huge military forces.” Ani Carlos.
By Rianne Briones | Kasangga Mo Ang Langit
Photo Credit: abante.com.ph