Binatikos ng Riles Network ang pagpapatupad ng bagong ticketing system ng Light Rail Transit (LRT) Line 2.
Ayon kay Sammy Malunes tagapagsalita ng Riles Network, para sa public transport system na gaya ng LRT, hindi pwedeng unahin ang pagkukumpuni ng sistema sa pagti-ticket sa sasakyan na mas mahalaga sa publiko.
Pinuna din ni Malunes ang underspending ng LRT at Metro Rail Transit (MRT) na taun-taon aniya ay may budget naman.
Hindi rin pinalampas ni Malunes ang pinakahuling aberya ng MRT at LRT.
“Kagabi ang 6 na train ng LRT, ibinaba dahil tumutulo, ang MRT naman, tumirik sa gitna ng malakas ng ulan ang mga pasahero naglalakad, matagal nang tumitirik ang gobyernong ito, hindi lang LRT.” Giit ni Malunes.
Public trial palalawigin ngayong araw
Palalawigin pa hanggang ngayong araw ang public trial para sa bagong ticketing system ng Light Rail Transit Line 2.
Ito’y makaraang ilarga kahapon ang pagpapatupad sa bagong sistema na naglalayong gawing pag-isahin na lamang ang ticket na gagamitin para sa mga istasyon ng tren sa Metro Manila tulad ng LRT 1, 2 at MRT 3.
Sa ikalawang araw ng public trial, sinabi ng kumpaniyang AFP Payments na siyang concessionaire ng bagong sistema, tagumpay ang pagpapatupad ng proyekto sa kabila ng ilang aberya.
Mabibili ang mga beep cards o kapalit ng stored value tickets sa halagang P50 na magagamit sa loob ng apat na taon at kaya itong ma-loadan ng hanggang P10,000.
Mayroon ding single journey tickets na siyang gagamitin ng mga pasahero sa presyong dumidepende sa layo ng kanilang biyahe.
Ngunit inamin ng AFP Payments na wala pang nailalatag na security features sa mga beep cards sakaling mawala ito sa pangangalaga ng pasahero.
Kasalukuyang ipinatutupad ang bagong ticketing system sa LRT Line 2 mula Legarda hanggang Betty Go Belmonte Station at inaasahang makukumpleto sa mga susunod na linggo.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Jaymark Dagala