Nanatiling buo ang suporta ng Liberal Party o LP kay dating Pangulong Noynoy Aquino sa kabila ng rekomendasayon ng Office of the Ombudsman na makasuhan ito kaugnay sa Mamasapano incident.
Ayon kay LP President Senator Kiko Pangilinan, naniniwala silang naging in good faith lahat ng mga naging hakbang ng dating pangulo.
Malaki rin anila ang kanilang tiwala kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na titiyakin nitong magiging patas at may kredibilidad ang pagproseso nila sa katotohanan.
To appeal
Samantala, nakatakdang umapela ang kampo ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Office of the Ombudsman kasunod ng naging rekomendasyon na makasuhan sya kaugnay sa Mamasapano incident.
Ayon kay Atty. Abigail Valte, tagapagsalita ni Aquino, pinag-aaralan na nila ang naging kautusan ng Ombudsman matapos nilang matanggap ang kopya ng naging desisyon.
Aniya, nagkaroon ng misappreciation sa ilang facts na posibleng naging dahilan ng maling konklusyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Valte na ito ang kanilang hihilinging paglilinaw sa kanilang ihahaing mosyon.
Samantala, sinabi naman ng Ombudsman na mayroon lamang limang araw ang kampo ni Aquino at iba pang akusado na maghain ng mosyon.
Ngunit kung wala naman ni isang maghahain ng mosyon ay kanila nang ididiretso ang rekomendasyon sa Sandiganbayan.
Una nang inirekomenda ng Ombudsman na makasuhan si Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima at SAF Leader Getulio Napeñas ng paglabag ng anti-graft practices act at usurpation of authority.
By Rianne Briones
LP buo pa rin ang suporta kay dating Pangulong Aquino was last modified: July 15th, 2017 by DWIZ 882