Ikinalugod ng ilan sa byuda ng apatnapu’t apat na nasawing miyembro ng PNP-Special Action Force ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa nabigong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
Ayon kay Kristine Clemencio, byuda ni PO1 Mark Lory Clemencio ng Carigara, Leyte, umaasa sila na ang paghahabla sa dating pangulo ang simula ng kanilang paghahanap ng katarungan.
Inihayag naman ni Dr. Christine Cempron, biyuda ni PO1 Romeo Cempron na napakasaya nila dahil sa wakas ay nagkaroon na sila ng pag-asa na makamit ang hustisya na kanilang inaasam makalipas ang dalawang taon.
Aminado si Clemencio nanatili ang kanilang takot dahil maaaring mabaliwala ang kaso laban kay Aquino lalo’t maimpluwensya pa rin ito bilang dating pangulo.
Magugunitang sinampahan si Aquino ng kasong usurpation of authority sa ilalim ng article 177 ng revised penal code at violation ng section 3-a ng anti-graft and corrupt practices act.
Dawit din sina dating Philippine National Police chief Alan Purisima at dating Special Action Force chief Getulio Napeñas.
By Drew Nacino
Ilan sa mga byuda ng SAF 44 ikinalugod ang pagsasampa ng kaso vs. ex-Pres. Noynoy Aquino was last modified: July 16th, 2017 by DWIZ 882