Naninindigan ang mga jeepney drivers at operators sa mahigpit na pagtutol sa phase out ng mga matatandaang jeep sa bansa.
Ayon kay Jun Magno, pangulo ng Stop and Go Coalition, magkakaroon pa ng utang ang mga jeepeney driver at operator dahil sa pagbili ng bagong sasakyan na ipapadaan umano sa mga kooperatiba.
Hindi aniya biro ang 1.6 million pesos na ipapautang sa pagbili ng bagong sasakyan o huhulugan ng 800 pesos kada araw sa loob ng pitong taon gayung nasa anim hanggang pitong daang piso lamang ang boundary kada araw na nahahati pa sa iuuwi sa pamilya at maintenance ng sasakyan.
“Paano mo namang nasabing natulungan ka doon una ngayon wala ka namang utang, ang kinikita ng jeep ngayon, magkano ang boundary, P700, P800, ngayon ang mga operator ang boundary ng driver yung P300 inilalagay yan sa maintenance ng jeep yung P500 sa pamilya na ng driver, yun ang iuuwi niya, ngayon kapag pumasok ka sa utang yung P800 na kita mo mapupunta lang na panghulog doon sa utang mo, anong matitira sayo? Tulong ba yan eh mababaon ka sa utang?” Ani Magno
Binatikos din ng Stop and Go Coalition ang ilang grupo ng jeepney drivers at operators sa pagsuporta sa phase out ng mga matatandang jeep sa bansa.
Sinabihan ni Jun Magno, Pangulo ng Koalisyon ang mga kapwa lider na mauna sa pagbili ng mga bagong jeep at ipakita sa kanila ang buti ng nasabing hakbangin ng gobyerno.
Ayon kay Magno, nagtataka lamang sila kung bakit sa koalisyon lamang nila pinipilit ang pagbili ng mga bagong jeep.
“Bakit ang mga miyembro nila hindi nila maitulak para mag-convert diyan, bakit hindi sila ang mauna?” Pahayag ni Magno
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas (Interview)
Jeepney drivers at operators nanindigan kontra phase out was last modified: July 21st, 2017 by DWIZ 882