Walang nangyaring abduction o hostage taking sa tahanan ng pamilya Manalo sa Tandang Sora, Quezon City.
Ito ang lumabas sa isinagawang pagbisita ng Quezon City Police sa pangunguna ni District Director Chief Superintendent Joel Pagdilao.
Ayon kay Pagdilao, kahit hindi sila pinapasok sa loob ng bahay ay nakausap naman niya mismo si Felix Nathaniel “Ka Angel” Manalo para siguruhing nasa mabuting kalagayan ito at ang kanyang pamilya.
“Sinasaktan ba sila diyan sa loob, o meron bang ibang tao na humahawak sa kanila at hindi sila nakakalaya, “hindi naman po” ang kanyang mga sagot, hindi daw sila na-abduct, malaya daw sila sa loob, tinanong din natin sila kung meron silang pagkain at tubig, ganundin meron silang pagkain at tubig, so noong mga oras na ‘yun nung nakausap natin talagang naniniwala na tayo na wala talagang abduction.” Ani Pagdilao.
Mga umano’y dinukot na ministro
Patuloy na kumikilos ang Philippine National Police (PNP) upang iberipika ang ulat na may mga dinukot na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC).
Kasunod ito ng paglutang ng mag-inang Cristina “Tenny” Manalo at Feliz Nathaniel “Ka angel” Manalo na humihinge ng tulong dahil sa banta sa kanilang buhay.
Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Superintendent Joel Pagdilao, mananatiling nakaposte sa lugar ang mga pulis upang mamonitor ang papasok at palabas na mga tao sa tahanan ng mga Manalo.
Samantala, muling susubukang pasukin ng mga otoridad ang loob ng tahanan ng mga Manalo ngayong araw upang masilip ang kalagayan ng pamilya.
“Nakahanda naman po ang pulis natin para sa crowd control, at ganundin ‘yung nabanggit ko kanina kung may papasok o lalabas vehicle man o tao ay kailangan ma-check natin for the purpose na safety ng lahat, lalung-lalo na ‘yung sa loob.” Pahayag ni Pagdilao.
By Rianne Briones | Kasangga Mo Ang Langit