Inilabas na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang traffic re-routing para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, July 27.
Base sa abiso ng MMDA, isasara ang northbound lane ng Commonwealth Avenue mula Ever Gotesco hanggang St. Peter Church habang maglalagay naman ng zipper lane sa southbound lane simula alas-3:00 ng madaling araw sa Lunes.
Para naman sa mga dumaraan sa North Avenue, pinapayuhan ng MMDA ang mga motorista na dumaan sa Mindanao Avenue, kanan sa Quirino Highway hanggang destinasyon.
Sa mga galing Edsa, kumanan sa Congressional Avenue kaliwa sa Mindanao Avenue, kanan sa Old Sauyo Road, diretso sa Don Julio Gregorio at Republic Avenue, kaliwa sa Chesnut, kanan sa Dahlia Avenue kaliwa sa Fairlane o Regalado Avenue hanggang sa destinasyon.
By Meann Tanbio