Hindi umano tunay na State of the Nation ang napakinggan ng publiko sa ikalawang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa halip ang nakalulungkot umanong estado ng pag-iisip ng punong ehekutibo na puno ng galit at kalapastanganan ang natunghayan ng publiko.
Sinabi ni Senador Leila de Lima na sa halip na i-report ng Pangulo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na isang taon at kung ano ang mga kongkreto nitong plano para sa mga susunod na taon, naging venue aniya ang SONA para sa paglalabas ng Pangulo ng galit, sentimyento at pagmumura sa ilang sektor lalo na sa kanyang kritiko.
Pinuna din ni De Lima ang pagbabalewala ng Pangulo sa karapatang pantao at maging sa rule of law.
Kung karamihan aniya sa mga nasa Kamara ay panay ang pagpalakpak sa sinasabi ng Pangulo sa SONA para sumipsip, pero sigurado aniyang marami sa ating mga kababayan ang napailing at napayuko sa kahihiyan dahil sa mga pinagsasabi ng Presidente
Naniniwala ang Senadora na malamang mas tumindi ang galit ng Pangulo sa kanya dahil sa kabila ng mga ginawang hakbang para siya ay siraan at wasakin ang kanyang karakter at dignidad, marami pa ring international entities at mga respetadong tao ang patuloy na sumusuporta at bumibisita sa kanya.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno
Mga pinahayag ni Pangulong Duterte sa SONA hindi umano tunay – Sen. De Lima was last modified: July 26th, 2017 by DWIZ 882