Nakalabas na ng bansa ang international RNB singer na si Chris Brown sa kabila ng kinaharap nitong kasong estafa.
Ito ang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) matapos bigyan ng Exit Clearance Certificate si Brown dakong alas-4:00 kahapon ng hapon.
Sa panayam ng DWIZ kay Immigration Commissioner Sigfried Mison, mismong si Brown ang tumulak sa tanggapan ng BI sa Maynila para mag-apply ng ECC.
Hindi naman binanggit kung naibalik na ng kampo ni Brown ang perang ibinayad ng Iglesia ni Cristo (INC) at ng Maligaya Development Corporation para sana sa naudlot nitong pagtatanghal noong isang taon.
Samantala, tuloy naman mamayang gabi ang concert ni Brown sa Hong Kong.
Unang naisahimpapawid ng DWIZ patrol ang paglabas ng bansa ni Brown alas-9:00 kagabi matapos bigyan ng clearance ng Philippine Immigration.
Magugunitang na postpone ang concert ni Brown sa Hong Kong at maging sa Indonesia dahil sa look out order ng Bureau of Immigration laban dito at isa pang kasamahan nito.
By Jaymark Dagala | Raoul Esperas (Patrol 45) | Judith Larino