Higit 300 pamilya o 1,000 katao na sa Metro Manila at Pampanga ang direktang naapektuhan ng pagbaha at malalakas na pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Gorio.
Batay sa tala ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, higit 600 katao ang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation centers sa Valenzuela City, 40 indibiduwal sa Malabon City at 350 katao sa Apalit Pampanga.
Nitong mga nakaraang araw, binaha anila ang 94 na lugar sa Maynila, Malabon, Valenzuela, Makati, Parañaque, Quezon City, Bulacan at Pampanga.
Tatlong landslide naman ang naitala ng ahensya sa mga lugar ng barangay Silangan Quezon City, Camp 5 Kennon Road sa Baguio City at sa Acupan Road Sitio Camp 5 Virac Itogon, Benguet.
Wala naman anilang nasugatan sa mga nasabing pagguho ng lupa.
Sa ngayon anila may 1.4 billion pesos na halaga ng standby na pondo, pagkain at gamit ang DSWD para sa mga naapektuhan ng baha at ulan.
By Jonathan Andal (Patrol 31)